Hinimok ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga ahensya ng pamahalaan at mga private entities na tanggapin ang national ID cards bilang valid proof ng pagkakakilanlan.
Ginawa ito ni Deputy National Statistician Assistant Sec. Rose Bautista sa harap ng mga reklamo na mayroong mga bangko na hindi tinatanggap ang national ID cards.
Wala kasing nakalagay na pirma sa mga cards na ito, na ayon kay Bautista ay isa na rin marahil sa security feature dahil madali na ring mapeke ang lagda sa mga panahon ngayon.
Gayunman, magsasagawa aniya ng mga webinars ang PSA sa mga financial institutions sa bansa para maresolba ang issue na ito.
Sa ngayon, 28 million Pilipino na ang nakapagparehistro ng kanilang biometrics, ang ikalawang proseso nang registration para sa national ID.
Nasa 700,000 ID cards na rin naman ang na-deliver na sa ngayon, ayon kay Bautista.