Kumbinsido ang Philippine Statistics Authority (PSA) na tuloy-tuloy na ang pagbagal ng inflation o paggalaw sa presyo ng mga produkto at serbisyo hanggang matapos ang 2019.
Ito’y kasunod ng limang puntos na ibinagal ng inflation mula sa 3.2-percent noong Mayo, pababa sa 2.7-percent nitong Hunyo.
Ayon kay national statistician Dennis Mapa, malaki ang naging impluwensya ng Rice Tariffication Law na sinimulan ang implementasyon noong Marso.
Lumabas kasi na grupo ng pagkain at non-alcoholic beverages ang may pinaka-malaking kontribusyon sa mabagal na paggalaw ng halaga ng mga produkto.
Sinundan naman ito ng commodity group ng bahay, kuryente, pamasahe at produktong petrolyo.
“The main driver in the downtrend of inflation in June 2019 was food and non-alcoholic beverages. Specifically, the following food groups primarily contributed: rice, corn, meat, fish, vegetables and sugar jam; honey, chocolate and confectionery.”
Sa pagsilip ng PSA sa mga rehiyon, natukoy na nanatili ang Mimaropa sa may pinakamabilis na inflation sa 5.2-percent.
Pinaka-mabagal naman sa Zamboanga Peninsula na may 0.7-percent.
Ito na ang pinaka-mabagal na paggalaw sa presyo ng mga produkto at serbisyo mula Setyembre ng 2017 at bago ipasa ang tax reform law.










