-- Advertisements --

Pinakokonsidera ng isang kongresista sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga rekomendasyon ng mga eksperto para sa mga pasyenteng kailangan na sumailalim sa chemotherapy sa gitna ng COVID-19 crisis.

Iginiit ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na pansamantalang inihinto muna ng karamihan sa mga cancer patients ang kanilang chemotherapy, radiations at kahit pagpapakonsulta man lang dahil sa mahina ang kanilang laban kontra COVID-19.

Pero matapos ang mahigit isang buwan nang isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon, sinabi ni Vargas na dapat nang magkaroon ng protocols para sa treatment sessions ng mga cancer patients.

Ayon kasi sa University of the Philippines’ Institute of Human Genetics, National Institutes of Health, apat na Pilipino ang namamatay kada oras ng dahil sa cancer o 96 cancer patients kada araw.

Dahil dito, iginiit ng kongresista na hindi na dapat pang palawigin ang postponement sa mga treatments na ito kaya inirerekominda nilang i-restructure ang mga ospital na may cancer care facilities at gawin ang ilan sa mga ito para lamang sa may sakit na cancer.

Dapat na magkaroon na rin aniya ng guidelines na susundin ang mga cancer care facilities na ito upang matiyak na ligtas sa COVID-19 infection ang mga pasyenteng may Cancer.

Pinatitiyak din ni Vargas ang pagkakaroon ng sapat na supply at access sa mga gamot para sa cancer, at transportation support sa mga pasyente.