Umurong na ang mga nagpoprotesta sa Sri Lanka kasunod ng pagsusumite ng resignation email ni President Gotabaya Rajapaksa sa parliament.
Umalis na ang mga nagsasagawa ng kilos-protesta na nilusob ang government buildings matapos tumakas palabas ng bansa si President Rajapaksa kasama ang kaniyang asawa na kasalukuyan ay nasa bansang Singapore na.
Ayon sa foreign minister ng Singapore, hindi pa makumpirma kung humiling si Rajapaksa ng asylum o nagarantiyahan ng asylum ng gobyerno ng Singapore o kung ito ay nasa naturang bansa para sa private visit.
Sa kabila naman ng anunsiyo ng PM na itinalagang acting president na magkaroon ng curfews kasunod ng paglusob ng mga tao sa kaniyang opisina sa nakalipas na mga araw, nagtipun-tipon pa rin ang mga ito sa mga kalsada para ipagdiwang ang pagbibitiw bilang pangulo ni Rajapaksa.
Samantala, napagkasunduan naman ng mga mambabatas ng bansa na maghalal ng bagong pangulo sa July 20 na maninilbihan hanggang sa 2024.
Inaasahan naman na papangalanan na ang bagong pangulo ng naturang bansa sa susunod na linggo.
Napipisil ng ruling party na maging susunod na pangulo ng Sri Lanka si PM Ranil Wickremesinghe.