-- Advertisements --

Ipinagkibit-balikat ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang protesta ng China hinggil sa drills na isinagawa ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea kamakailan.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Locsin na may karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng naturang aktibidad sa ilalim na rin ng international law na napanalunan ng bansa sa The Hague.

Ang tinutukoy ni Locsin ay ang landmark ruling ng Permanent Court of Arbitration sa kaspng inihain ng Pilipinas kontra China noong 2016 kung saan naibasura ang malawakang claim ng Beijing sa South China Sea.

Sa kaparehong tweet, sinabi  ni Locsin na patuloy pa ring maghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa hindi pagsunod sa makailang ulit nang panawagan ng Pilipinas na paalisin na ang mga militia vessels ng Beijing sa West Philippine Sea.

Magugunita na magmula noong Marso, marami-raming mga barko ng China ang namataan sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.

Kabilang na rito ang mahigit 200 na Chinese militia vessels na nakita sa Julian Felipe Reef.