-- Advertisements --

Hiniling ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan Third Division na bawiin ang desisyong nagpapahintuloy na makapagpiyansa si dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kinahaharap nitong kasong malversation kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa inihain nilang motion for reconsideration nitong Miyerkules, sinabi ng prosekusyon na hindi sapat na batayan ang naging pasya ng hukuman na ang umano’y natanggap na “commitments” o kickbacks ni Revilla ay hindi pampublikong pondo upang maalis ang kanyang pananagutan sa umano’y sabwatan sa maling paggamit ng P76.9 million na pondo ng gobyerno.

Iginiit ng prosekusyon na hindi nila kailanman sinabi na ang mga natanggap na kickback ni Revilla ang mismong pondong nawaldas. Anila, ang umano’y pagtanggap ng dating senador ng advance kickbacks ay indikasyon ng kanyang pakikiisa sa planong ilihis ang pondo ng pamahalaan.

Sinabi rin ng Ombudsman na si Revilla umano ang tumulong upang maisama ang kontrobersyal na proyekto sa appropriations bill at sa 2025 General Appropriations Act.

Ayon pa sa prosekusyon, bagama’t hindi si Revilla ang direktang naglustay ng pondo, pumayag umano siya o hinayaang maisagawa ng kanyang mga kapwa akusado ang umano’y paglustay ng pondo ng gobyerno.

Iginiit din ng Ombudsman na may mga kulang na dokumento at maling representasyon sa mga papeles na ginamit bilang batayan sa pagpapalabas ng pondo, kabilang ang ulat na halos 95 porsiyento nang tapos ang proyekto kahit wala naman umanong aktuwal na naisagawang konstruksyon sa lugar.

Kinuwestiyon din ng prosekusyon ang naging konklusyon ng Third Division na walang sapat na direktang ebidensya laban kay Revilla, at iginiit na hindi kinakailangan ng direktang patunay upang mapatunayan ang sabwatan sa ilalim ng umiiral na jurisprudence.

Matatandaang si Revilla ay pansamantalang nakalaya noong Hulyo 31 matapos magpasya ang mayorya ng Sandiganbayan Third Division na hindi sapat ang ebidensya laban sa kaso ng dating senador.

Samantala, naghain din ng motion for reconsideration ang mga kapwa akusado ni Revilla na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineer Jaypee Mendoza at cashier Christina Pineda matapos tanggihan ng korte ang kanilang kahilingan na makapagpiyansa.

Ayon kay Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, binigyan ng limang araw ang prosekusyon at depensa upang magsumite ng kanilang komento sa mga inihain na mosyon.