Kinuwestiyon ng House trial panel ang biglaang pagbabago sa posisyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos pumayag ang depensa na buksan ang selyadong kahon ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa gaganaping impeachment trial.
Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, bagama’t magandang hakbang ito para umusad ang kaso, nakapagtataka kung bakit ngayon lang pumayag ang depensa kung kailan tapos na ang pre-trial conference.
Matatandaang mariing tinutulan ng mga abogado ng bise presidente ang pagmamarka pa lamang sa labas ng nasabing kahon noong nakaraang pagdinig.
Ikinabahala rin ni Adiong ang hiling ng depensa na magsagawa muna ng isa pang hiwalay na executive session para lamang sa pagbubukas at pagmamarka ng BIR box.
Babala ng mambabatas, maaari lamang itong maging sanhi ng bagong pagkaantala sa pagpapalabas ng pre-trial order at sa pormal na simula ng paglilitis.
Ipinaliwanag ni Adiong na ang pagbubukas at pagmamarka sa mga dokumento ay hindi nangangahulugang tanggap na agad ito bilang ebidensya dahil ang Senate impeachment court pa rin ang magpapasya nito sa mismong trial.
Nanawagan ang prosekusyon na iwasan na ang mga kung ano-anong ligal na palusot upang magpokus na ang lahat sa pagpapakita ng mga ebidensya at testigo sa darating na Hulyo 6.
“If this was going to be the defense’s position all along, why wait until after the pre-trial conference to say so? If they were prepared to agree in principle to the opening of the BIR box, why oppose even the simple marking of the sealed box during the hearing?” Alonto Adiong said.















