Hinihintay pa umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang proposal mula sa Dito Telecommunity Corporation ukol sa pagtatayo ng cell towers sa loob ng military camps.
Ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, kailangan muna nilang tukuyin kung ilang cell sites ang ilalagay sa loob ng kampo.
Ang naturang proposal aniya ay subject to vetting and concurrence pa ng AFP sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtutol sa kasunduan.
Dagdag pa ni Arevalo, subject to situations and limitations pa raw ang memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Kailangan daw kasing siguraduhin ng AFP na hindi magagamit ang kampo militar ng bansa sa pang-iispiya.
Bago ito ay ilang mambabatas na ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa naturang kasunduan sa takot na baka gamitin ito ng China sa pansarili nilang kapakanan.
Sinubukan namang pakalmahin ng defense officials ang pangamba ng publiko dahil base raw sa kanilang sariling assessment ay imposible itong mangyari.










