-- Advertisements --

Kasabay sa paggunita ng ika-70 International Human Rights Day, inihain sa Kamara nitong araw ang panukalang batas na naglalayong gumawa ng mga programa para sa mga nakakulong na magulang at kanilang mga anak.

Inihain ng Makabayan bloc, sa pangunguna ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, ang House Bill No. 8153, o ang proposed “Parents in Jail Act of 2021.”

Sa isang statement, sinabi ni Castro na ngayong talamak ang human rights violations sa Pilipinas, partikular na ang red-tagging na kalaunan ay humahantong sa illegal arrests at detention, trump-up charges at extrajudicial killings, marapat lamang na ihain aniya nila ang isang panukalang batas na tutulong sa mga persons deprived of liberty na napilitang iwanan ang kanilang mga anak sa oras na sila ay makulong.

Sa ngayon kasi, hindi aniya natutugunan ng husto ang pangunahing pangangailangan ng mga anak ng mga bilanggo na ito.

Inihalimbawa ni Castro ang kaso ni Reina Mae Nasino at Amanda Echanis, kapwa political prisoners at ina na kakapanganak lamang.

Matatandaan na si Nasino ay nahiwalay kamakailan sa kanyang anak na si Baby River matapos niya itong isinilang.

Kalaunan ay binaiwan ng buhay si Baby River dahil sa tinamaan ito ng sakit na pneumonia.

Si Echanis naman ay naaresto kasama ang kanyang bagong silang na anak na si Randall Emmanuel.

Hindi pa nakakapagdesisyon si Echanis kung isasama niya sa loob ng kulungan ang kanyang anak habang ito ay sanggol pa o iiwanan niya ito.

Ayon kay Castro, ang pagdurusa na ito ng mga magulang na nakakulong pati rin ng kanilang mga anak ay maiiwasan sana kung mahigpit na ipinapatupad ng pamahalaan ang mga obligasyon nito sa ilalim ng iba’t ibang international law instruments sa karapatan ng mga bata at kababaihan.