Posibleng humarap sa matinding problema pinansyal ang Boeing Co dahil sa pinaplantsa nitong pagsuspinde sa mass production ng kanilang Boeing 737 Max aircrafts simula sa susunod na buwan.
Ang desisyong ito ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa mga paliparan dahil mapipilitan silang mag-kansela ng mga flights o mag-renta na lang ng mas lumang model ng eroplano bilang kapalit.
Sinigurado naman ng Boeing na hindi nito tatanggalin ang nasa 12,000 empleyado sa kabila ng naturang production freeze kahit pa magdudulot ito ng malaking epekto sa global supply chain at ekonomiya ng Estados Unidos.
Ginawa ang desisyong ito matapos ang dalawang araw na board meeting kung saan hindi tinanggap ng Federal Aviation Administration (FAA) na aprubahan ang pagbabalik serbisyo ng kanilang mga eroplano bago magsimula ang 2020.
Kung maaalala, Marso ngayong taon nang ipatigil ng FAA ang paggamit sa lahat ng 737 MAX matapos ang malagim na trahedya sa Indonesia at Ethiopia kung saan nasawi ang 346 katao sa loob lamang ng limang buwan.