Matapos ang ilang serye ng rollback, nakaamba nanamang magpatupad ng taas presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Base sa 4 na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore mula Oktubre 16 hanggang 19, ang presyo ng diesel ay inaasahang may dagdag singil na P1 hanggang P1.30 kada litro.
Habang sa gasolina, inaasahang magkakaroon ng umento na P0.70 hanggang P1 kada litro.
Ang Means of Platts Singapore ang siyang basehan sa presyuhan ng refined petroleum products sa Southeast Asia.
Ipinaliwanag naman ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ilan sa mga dahilan sa nakaambang pagtaas sa presyo ng petroleum products ay ang lingguhang pagbaba sa stockpiles ng US dahil sa tumataas na demand gayundin, ang kasalukuyang sitwasyon sa Israel.