KALIBO, Aklan —- Ipinatawag ng barangay council ng Manocmanoc sa Isla ng Boracay ang tatlong gasoline station kaugnay sa sobra-sobrang pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina.
Ayon kay Punong Barangay Nexon Sualog na bagaman may ilang dahilan kung bakit mas mataas ang presyo ng petrolyo sa isla, kung saan malaking kontribusyon dito ang transportasyon, ngunit masyado umanong malaki ang presyuhan kumpara sa mainland Malay.
Nakatanggap na rin umano sila ng sumbong sa mula sa ilang mga consumer kaugnay sa sobrang taas na presyo ng petrolyo.
Sa Boracay, naglalaro sa P97 hanggang P98 ang kada litro ng gasoline habang mahigit sa P80 ang kada litro ng diesel.
Dagdag pa ni Sualog na nangako ang naturang mga gasolinahan na ipapa-review sa kanilang supplier ang presyo ng langis.
Sa kabila nito, ipinapaubaya umano nila ang naturang isyu sa Department of Energy (DOE) para sa kaukulang imbestigasyon.