BULAKLAK

Hindi raw masyadong nagtaas ang presyo ng mga bulaklak ngayong Undas kumpara sa pagtaas ng presyo noong nakaraang taon.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines sa flower vendor sa Dangwa sa Sampaloc, Maynila na si Rhoda Tordesilla, nasa P20 hanggang P30 lang ang itinaas ng paninda nitong bulaklak na aster o mula sa dating P90 hanggang P100 ay naging P120 sa ngayon.

Posibleng hindi na rin daw magtataas ang presyo ng mga bulaklak dahil may pagkatumal ang bentahan isang araw bago ang Undas.

Ang kanyang panindang bulaklak ay galing umanong Los Baños sa Laguna.

Mabibili naman sa halagang P190 hanggang 200 kada dosena ang Carnation na noo’y makukuha lamang sa halagang P170.

Ang Malaysian mums ay nagtaas ng P30 na mula sa dating P250 ay mabibili na sa halagang P280.

Mabibili naman ang mga makukulay na orchids sa halagang P500 mula sa dating P400.

Mayroon ding flower arrangement na nasa basket na ang pinakamura ay mabibili lamang sa halagang P150 hanggang sa pinakamahal na P2,500, depende sa disensyo at mga bulaklak na kasama.

Ang bouquet ng mga bulaklak naglalaro sa P450 hanggang P600, habang ang maliit na centerpiece ay P100 hanggang P200.

Ang China Rose ay nasa P500 kada 10 piraso.

Ang sunflower na katamtaman ang laki na dating P60 hanggang P100 ay umabot na sa P200 depende kung local o imported.

Gerbar, P180 ang 10 piraso; Stargazer, P200 hanggang P250 kada piraso; stuffed toy bouquet P300 hanggang P600, depende sa disenyo.

Habang ang presyo naman ng mga kandila ay normal pa rin.

Nasa P35 pataas naman ang presyo ng kandila depende sa klase at disenyo.