-- Advertisements --

Aminado ang mga presidential aspirants sa 2022 elections na kailangan nang pagbabago sa sistema upang sa gayon ay masawata na ang matagal nang problema sa korapsyon.

Sa presidential debate ng CNN Philippines ngayong hapon ng Linggo, Pebrero 27, ibinahagi ng mga kandidato ang kanikanilang mga karanasan laban sa korapsyon.

Si dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella ay nagsabi na minsan siyang nilapitan ng isang negosyante para alukin ng isang deal kapalit ng kanyang pabor subalit tinanggihan niya ito.

Iginiit naman ng labor leader na si Ka Leody De Guzman na kahit minsnan ay walang lumapit sa kanya para humingi ng pabor pero kung may gagawa man nito sa kanya kapag siya ay mahalal bilang pangulo kaagad niya itong ipapakulong.

Para naman kay dating defense secretary Norberto Gonzales, kailangan nang may gawin sa sistema para maiwasto ang matagal nang problema sa korapsyon.

Ibinahagi naman ni Senator Panfilo Lacson na noong siya ay provincial director pa ng probinsya ng Laguna ay tinutukan niya ang problema sa jueteng, kaya nga may umalok sa kanya ng P1.2 million hanggang P1.8 million pero ito ay kanyang tinanggihan, bagay na patuoy niyang ginagawa hanggang siya ay naging senador sa kasalukuyan.

Kaya naman sinabi rin ni Faisal Mangondato na saan mang sangay ng gobyerno ay talagang mayroong isyu ng korapsyon – na nag-uugat sa hindi pa rin nasosolusyunang problema sa kahirapan, kawalan ng trabaho at kulang na pondo ng gobyerno sa mga programa nito.

Samantala, ibinahagi naman ni Dr. Jose Montemayor ang kanyang paghahain ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga corrupt sa healthcare system ng bansa.

Idinetalye naman ni Senator Manny Pacquiao ang kanyang naging pagbabanta laban sa gustong kumausap sa kanya nang pumutok ang issue hinggil sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janette Lim Napoles.

Sa kabilang banda, inilahad naman ni Vice President Leni Robredo ang kanyang  inihaing panukalang batas laban sa korapsyon noong siya ay kongresista pa lamang, kabilang na iyong mga nagpapayabong nang transparency sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno. Bukod dito ay binanggit rin niya na sa nakalipas na tatlong taon ay ang Office of the Vice President ang nakakuha ng mataas na audit rating mula sa Commission on Audit.

Sa kabuuan, nagkasundo ang mga kandidato na kailangan talagang aksyunan ang problema sa korapsyon para sa mas ikakaunlad ng bansa.

Siyam na presidential aspirants lamang ang nakadalo sa naturang debate matapos na hindi sumipot si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.