Naniniwala naman si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Conception na hindi kailangan ang mandatoryo pasgsusuot ng face mask kapag nasa labas ng bahay o outdoors.
Aniya, dapat na hayaan na ang local government units ang magpasya sa usaping ito.
Ginawa ni Conception ang naturang pahayag sa gitna ng hidwaan sa pagitan ng DILG at ng Cebu provincial government matapos na magdesisyong gawin na lamang optional ang pagsusuot ng face mask sa open at well-ventilated spaces.
Pabor din si Conception na gawing optonal na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoors.
Dapat din aniyang huwag gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face mask kapag nasa outdoors dahil sa banta ng Omicron variant na mild lamang.
Malinaw naman aniya na kapag na-infect ng Omicron at bakunado man o hindi ay matatamaan pa rin ng naturang variant.
Hindi aniya napipigilan ng vaccination mula sa impeksyon sa Omicron kundi napipigilan nito ang severe infections at ang kamatayan.
Subalit, maging ang Department of Health iginiit na pinapayagan lamang ng IATF ang pag-alis ng face mask sa ilang specific instances gaya na lamang kapag kakain.
Nanindigan din mismo ang Malacanang, DILG at ang DOJ na ang panuntunan ng IATF sa pagsusuot ng face mask ang siyang mas mangibabaw kesa sa kautusan mula sa provincial government ng Cebu.










