Humingi ng tawad si Turkish President Recep Tayyip Erdogan sa mamamayan ng Turkey nang dahil sa ilang pagka-delay sa rescue operations sa mga biktima ng malakas na lindol doon.
Ipinahayag niya ito sa kaniyang pagbisita sa isa mga lugar na matinding tinamaan ng magnitude 7.8 na lindol.
Kung maalala, umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga earthquake survivor sa Adiyaman si Erdogan nang dahil sa mabagal na pagpapadala nito ng tulong at responde sa mga biktima ng nasabing trahedya na ang iba pa nga ay sinasabing pinabayaan daw sila ng kanilang pamahalaan.
Sa kaniyang pahayag ay inamin ng Turkish President na nagkaroon ng “shortcomings” ang kaniyang administrasyon pagdating sa handling ng ganitong mga kalamidad.
Ngunit kasabay nito ay ipinaliwanag din niya na dahil aniya sa malaking epekto ng nangyaring lindol at maging ang masamang panahon ay nahirapan ang mga otoridad na agad na rumesponde sa Adiyaman sa mga unang araw matapos ang nangyaring trahedya.
Matatandaang niyanig ng malakas na magnitude 7.8 na lindol ang malaking bahagi ng Turkey at Syria noong February 6 na kumitil naman sa buhay ng libo-libong katao kabilang na ang maraming mga kabataan.