LAOAG CITY – Hinimok ng Presidente ng Filipino Community sa Iran at Bombo International News Correpondent Marie Grace Melendres ang mahigit anim na libong mga Pilipino sa nasabing bansa na huwag magtungo sa mga matataong lugar sa gitna ng tensyon ng Iran at Israel.
Ayon sa kanya, kahit walang anumang abiso sa kanila mula sa gobyerno ng Iran maging ang embahada ng Pilipinas sa naturang bansa tungkol sa plano ng pag-atake ng Iran sa Israel ay mas mabuting maging handa pa rin sila anumang oras.
Aniya, normal ang nangyayari sa kanilang bansa sapagkat tuloy-tuloy ang pasok sa mga paaralan, trabaho maging ang mga malalaking gusali at pasyalan sa Iran.
Gayunpaman, inihayag niya na galit ang bansang Iran sa ginawang pag-atake ng Israel sa Iranian Embassy sa Damascus, Syria kung saan may pitong miyembro ng Islamic Revolutionary Guard Corps ang namatay.
Samantala, paliwanag niya na kung sakaling lumala ang sitwasyon nila sa Iran ay nais niyang umuwi dito sa Pilipinas para sa mas ligtas at maiiwasan ang kaguluhan.