Nananatili pa rin ang presensiya ng New People’s Army (NPA) sa mahigit 200 mula sa 42,046 na mga barangay sa buong bansa.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Medel Aguilar.
Sa kabila nito, hindi dapat aniya ito ikabahala dahil nabawasan na ang dating 400 mga barangay na may presenisya ng komunistang grupo sa mahigit 200 barangay na lamang.
Dagdag pa ng opisyal na bahagi ito ng kanilang internal security operations.
Sinabi din ng AFP na iisa na lamang ang natitirang aktibong guerilla front ng NPA sa buong bansa.
Ang NPA guerilla front ay kadalasan na mayroong tatlong platoons na binubuo ng 100 armadong combatants.
Sa kasalukuyan, ayon kay Aguilar bumaba na sa 1,800 na lamang ang fighters ng NPA.
Sa pagtaya ng Philippine military, pumapalo sa 25,000 ang miyembro ng NPA noong namayagpag ito noong 1987.
Nabuo ang komunistang grupo noong March 29, 1969.