-- Advertisements --
us marcos

Kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos ang mas maraming military planes ng United States Air Force sa Manila at Palawan isang linggo matapos na mamataan ang kaparehong mga eroplano sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa isang statement, inihayag ng Senadora na lumapag ang US Air Force C-17 military transport plane sa Manila dakong 6:03 a.m noong araw ng Biyernes mula sa Andersen Air Force Base sa Guam na kalaunan ay lumipad patungong Palawan.

Base din sa flight tracker na FlightRadar24, sinabi ni Sen. Imee na umalis mula sa Palawan ang eroplano dakong alas-4 ng hapon oras sa Pilipinas bago ito tumulak patungong Yokota Air Base bandang 9:30 ng gabi.

Sa ruta ng eroplano, makikitang dumaan ito sa may Pampanga, Cagayan, sa may silangang bahagi ng baybayin ng Batanes at sa Taiwan bago maglanding sa air base ng Japan.

Gayundin isa nanamang American C-17 plane mula Tokyo ang namataan noon lamang alas-10 ng umaga noong Sabado.

Nawala ito sa radar subalit natukoy ang lokasyon nito kalaunan na lumipad patungong Polillo island bago lumabas sa teritoryo ng ating bansa.

Saad ng Senadora na kakaunti aniya ang impormasyon kaugnay sa nagpapatuloy na mga aktibidad ng US military sa ating teritoryo habang patuloy ang pag-call out sa mga presensiya ng mga barko ng China sa may West Philippine Sea.

Batid din aniya nito ang nagpapatuloy na military exercises ng mga sundalo ng Pilipinas kasama ang foreign militaries ngayong buwan subalit dapat din aniya na i-track ang anumang paglabag sa ating maritime territory at exclusive economic zone alinsunod sa air traffic rules ng bansa at joint military agreements sa US

Nanawagan din ang Senador sa mga opisyal ng military, defense, at foreign affairs ng Pilipinas na alamin kung ang mga flight ng militar ng US ay nakakaapekto sa patuloy na tensyon sa WPS at Taiwan Strait.

Una na ngang namataan ang US military aircraft sa Pilipinas noong Hunyo 26, matapos lumapag ang isang C-17 aircraft sa NAIA.

Paliwanag dito ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Sen. Marcos na ang naturang insidente ay resulta ng kabiguan ng American flight planners na makipag-coordinate muna sa NAIA ground handlers.