Walang namomonitor na planong pag-atake ang teroristang Maute sa kalakhang Maynila bilang retaliatory attack sa pagkamatay ng kanilang patriarch na si Cayamora.
Namatay sa sakit si Cayamora habang nakakulong ito sa Bicutan, Taguig.
Gayunpaman, paghahandaan pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng paghihiganti ng teroristang grupo.
Ayon kay PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, mahihirapan ang grupo na makakilos sa Maynila dahil naiipit na ang mga ito sa bakbakan sa Marawi.
Maliban nalang aniya kung may mga sympathizers ang Maute Group sa Metro Manila na gagawa ng kalokohan.
Pero nagpahayag ng paniniwala si Dela Rosa na hindi ganun katindi ang banta mula sa mga sympathizers ng Maute Group.
“Retaliatory attacks, we have to prepare for that. Wala naman intel info. Hirap nga sila doon sa loob ng Marawi tapos dito pa sila manggugulo sa Manila. Mahirapan sila doon. Siguro kung may sympathizers sila pwedeng maggawa but not for that, not that dreadful,” pahayag ni Dela Rosa.