-- Advertisements --

Ikinatuwa ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang posibleng pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa mga pagpaslang na nangyari sa gitna ng giyera kontra iligal na droga ng Duterte administration.

Sinabi ni Pabillo na kung wala namang kasalanan talaga ang Duterte administration sa nangyaring pagpatay na ito sa mga drug suspects, dapat ay makipagtulungan aniya sila sa ICC kung sakali mang matuloy ang imbestigasyon nito.

Sinabi ni Pabillo na matagal nang adbokasiya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine (CBCP) ang kanilang pagtutol kontra sa culture of impunity.

Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng accountability sa bawat administrasyon.

Paliwanag pa ni Pabillo, na kung may pagmamalabis ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat na panagutin din ang mga ito.

Bukod sa accountability, sinabi ni Pabillo na apela rin ng CBCP na magkaroon ng transparency sa pamahalaan.

Magugunita na kahapon sinabi ng Malacanang na hinding-hindi makikipagtulungan si Pangulong Duterte sa anumang imbestigasyon na maaring ilunsad ng ICC.