-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkaalarma ang National Security Council (NSC) sa posibleng foreign interference sa 2025 midterm elections sa bansa.

Binanggit ni NSC Assistant director general Jonathan Malaya ang patuloy na pag-atake mula sa foriegn sources na iniulat ng Department of Information and Communications Technology sa mga nakalipas na buwan.

Dapat aniyang simulan na ang paghahanda ngayon kung paano protektahan ang integridad ng electoral process at pagprotekta dito mula sa cyberattacks.

Ginawa ng opisyal ang naturang babala matapos akusahan ng Estados Unidos at 2 kaalyado nito ang China na nasa likod ng ilang serye ng hacking sa mga lawmaker at pangunahing demokratikong institusyon.

Subalit, pinabulaanan naman ng China ang akusasyong ito at sinabing tinutulan nila at nilalansag ang lahat ng uri ng cyberattacks.

Sinabi din ni Malaya na nakipag-ugnayan na ang kanilang ahensiya sa DICT para paghandaan ang anumang posibleng foreign interference sa midterm election.

Parte ng kanilang paghahanda ay ang pag-secure ng election database mula sa hacking at pagprotekta sa transmission ng election results para matiyak na hindi ito maging target ng cyberattack.

Kanila din umanong poprotektahan ang papalapit na panahon ng pangangampaniya mula sa fake news o disinformation.