-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Pope Leo ang pagpatay sa libu-libong mga nagpoprotesta sa Iran at muling iginiit ang kanyang pagtutol sa digmaan. Ginawa niya ang pahayag sa isang press conference habang pauwi sa Roma matapos ang kanyang apat na bansang pagbisita sa Africa.

Ayon sa Santo Papa, hindi katanggap-tanggap ang pagkitil ng buhay ng inosenteng mamamayan. Binigyang-diin niya na bilang isang spiritual lider, hindi siya maaaring sumuporta sa anumang uri ng digmaan.

Ang pahayag ay kasunod ng naging komento ni U.S. President Donald Trump na kumuwestiyon kung bakit hindi agad nagsalita ang Pope hinggil sa sitwasyon sa Iran. Bagamat hindi niya direktang sinagot ito, iginiit ni Pope Leo ang kanyang paninindigan laban sa karahasan at digmaan.

Binanggit din ng Santo Papa ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na aniya’y nagdudulot lang ng matinding paghihirap sa mga ordinaryong mamamayan.

Inilarawan niya pa ang ceasefire bilang magulo at walang malinaw na direksyon.

Samantala, ipinagtanggol din ni Pope Leo ang kanyang pagbisita sa ilang bansa sa Africa. Ayon sa kanya, layunin ng Vatican na tahimik na itaguyod ang katarungan at mapabuti ang kalagayan ng mga tao sa halip na gumawa ng hayagang pagkondena.

Sa huli, nanawagan ang Santo Papa sa mga pinuno ng mundo na isaalang-alang ang kapakanan ng mamamayan at isulong ang mapayapang solusyon sa halip na magpadala sa military power.