Inihayag ni Pope Francis na ang Ukraine, na nahaharap sa posibleng pagkatalo, ay dapat magkaroon ng “courage of the white flag” para wakasan ang digmaan sa Russia at huwag mahiyang pag-usapan ang kapayapaan.
Ayon sa Santo Papa, sa palagay niya ang pinakamalakas ay ang tumitingin sa sitwasyon, iniisip ang kanyang mga tao at may tapang na sumuko, at makipag-usap.
“The word negotiate is a courageous word. When you see that you are defeated, that things are not going well, you have to have the courage to negotiate,” ayon sa Santo Papa.
Pinaniniwalaan na ito ang unang pagkakataon na gumamit si Francis ng terminong “white flag” o “defeated” sa pagtalakay sa usapin ng digmaan sa Ukraine, bagama’t nagsalita na siya sa nakaraan tungkol sa pangangailangan para sa negosasyon.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Vatican na si Matteo Bruni noong Marso 9, ang ginamit ni Francis na terminong “white flag” matapos ang mga komento hinggil dito na pumukaw ng kritisismo na sinasabing pumapanig umano ito sa Russia.
Ayon kay Bruni, ginamit ito ng santo papa para ipahiwatig ang paghinto sa labanan at isang tigil putokan na nakamit sa pamamagitan ng lakas ng loob at negosasyon.