-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na inaprubahan na ng kanilang hanay at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pooled-testing bilang alternatibong stratehiya sa pagte-test sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos magsimula nitong Miyerkules ang pilot test ng pooled-testing sa lungsod ng Makati.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, dumaan sa dalawang phase ng validation ang pag-aaral na ginawa ng Research Institute for Tropical Medicine at Philippine Society of Pathologists.

“Nakita nila na that we are going to have this benefit kapag ginawa natin yung pooled-testing. Ang lumabas sa validation, ang pinaka-mainam atsaka magiging efficient tayo at magpo-provide ng accurate results would be the 1:5 (one is to five).”

“Ibig sabihin isang pool ng limang tao. Ipagmi-mix lahat ng samples ng lima sa isa lang na viral transport medium.”

Paliwanag ni Vergeire, malaking tulong ang pooled-testing dahil makakatipid ang gobyerno sa gastos ng testing. Mas mapapabilis din daw ang turn around time o paglabas ng resulta.

“We can save on PPEs also kasi hindi na lima ang isa-swab natin at ite-test, isa na lang for every five persons.”

Bukod sa Pilipinas, ilang bansa na rin daw ang gumagamit ng pooled-testing strategy tulad ng Amerika, Ghana, India at Singapore.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, target ng kanilang inisyatibo, kasama ang pribadong sektor, na unahin sa pooled-test ang mga public utility drivers at nagtitinda sa palengke.

Tatagal hanggang September 8 ang pagkuha ng city government sa swab specimens ng mga residente ng lungsod.