-- Advertisements --

Nakipagsabwatan umano ang empleyado ng pinagkukunan ng Ukraine ng mga armas-pandigmaan sa opisyal ng Ministry of Defense para nakawin ang umaabot sa 40 million dollar na ipambibili sana ng 100,000 mortar shells na gagamitin ng Ukraine sa pakikidigma laban sa Russia, ‘yan ang iniulat ng Security Service of Ukraine. 

Inanunsyo rin ng ahensya na limang tao na ang nakasuhan at ang isa ay nakakulong na matapos tangkaing lumabas sa Ukrainian border. Sakaling mahatulang guilty, mahaharap sila sa 12 taong pagkakakulong.

Ayon sa imbestigasyon, sangkot ang mga dati at kasalukuyang matataas na opisyal ng Ukraine Ministry of Defense sa nangyaring embezzlement ng pondo. 

Noong August 2022 pa umano nagpirmahan ng kontrata at nagkaroon na ng paunang-bayad subalit walang dumating na mga armas at ang ibang pondo ay inilipat na sa foreign accounts.

Ayon sa prosecutor general ng bansang Ukraine, ang ninakaw na pondo ay maibabalik na sa budget ng Ministry of Defense.