LEGAZPI CITY — Politika ang tinitingnang dahilan ng pulisya sa pagpaslang sa isang local government employee sa Balud, Masbate.

Kinilala ang biktima na si Rodel Tenorio, 39-anyos, at residente ng Barangay Ubo ng nasabing bayan.

Ayon kay P/Capt. Czar Pancho Avila, hepe ng Balud Municipal Police, nakikipag-inuman ang biktima sa mismong bahay nito nang pumasok mula sa bakod ang hindi pa nakikilalang mga suspek at saka apat na beses nagpaputok.

Nagtamo ng mga tama sa katawan si Tenorio na nagresulta sa pagkamatay, habang nadaplisan naman ang karga-karga nitong isang taon at walong buwan na anak na si Xia.

Ayon kay Avila, posibleng may kaugnayan sa politika ang insidente lalo pa at nagsisilbing political leader ni Balud incumbent Mayor Ruben Jude Lim ang biktima.

May nakuha ring testigo ang pulisya kaya kumpiyansa ang nag-iimbestiga sa kaso na mareresolba ito at mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.