Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang dahilan sa pagbaba ng unemployment rate sa bansa ay dahil sa maayos na polisiyang pang ekonomiya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sabi ni Barbers ibig sabihin nito na gumagana ang mga economic policy na ipinatupad ng administrasyong Marcos.
Inihayag ng beteranong mambabatas na on track ang pamahalaan para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan.
Batay sa pinaka bagong datos sa ekonomiya na nakabuo ito ng nasa 200,000 na trabaho.
Ang reaksyon na ito ni Barbers ay kasunod ng ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority na bumaba ang unemployment rate sa 3.6 porsyento noong Nobyembre mula sa 4.2 porsyento noong Oktubre, o bumaba sa 1.83 milyong Pilipino mula sa dating 2.09 milyon.
Ayon sa mambabatas mula Mindanao pamumuhunan ang nagtulak sa pagbubukas ng mga bagong mapapasukang trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino.
Kumpiyansa si Barbers na mas darmi pa ang mapapasukang trabaho sa bansa kung matutuloy ang isinususlong na pag-amyenda sa economic provision ng Konstitusyon para pumasok ang mas maraming dayuhang mamumuhunan.
Paliwanag ni Barbers napipigilan ang pagpasok ng foreign capital sa bansa dahil may probisyon sa Saligang Batas na naglilimita sa mga negosyo na kanilang maaaring maging pagmamay-ari. Ang mga probisyong ito ay hindi umano maaaring maamyendahan ng bagong batas kundi kailangang amyendahan ang Konstitusyon.