
Kinastigo ni Senador Win Gatchalian ang polisiya ng pamahalaan sa hiring ng K to 12 senior high school graduates.
Ayon sa senador, isang malaking pagkukulang ito ng gobyerno sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya na napilitang tustusan ang dagdag na dalawang taon sa high school.
Para kay Gatchalian, ipinapakita ng polisiyang ito na para sa mga senior high school graduate na nais pumasok sa gobyerno, walang dagdag na benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school.
Sa nakaraang pagdinig ng senado hinggil sa Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022), pinuna ni Gatchalian ang Memorandum Circular (MC) No. 12 s. 2019.
Lumalabas kasi na para sa mga ahensya ng pamahalaan, pati na sa mga government corporations, walang pagkakaibang maituturing ang mga nagtapos ng senior high school at mga nakatapos ng sampung taon ng elementary at high school.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2018, hindi kinokonsidera ang senior high school graduates sa education requirements ng first level positions sa civil service.










