MANILA – Aminado ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) na marami pa rin sa mga Pilipino ang takot na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra sa sakit na polio.
Ito ay sa kabila ng higit dekada nang pagbabakuna ng pamahalaan sa mga kabataan laban sa naturang sakit.
Batay sa tala ng UNICEF, mayroong 17 kumpirmadong kaso ng polio sa Pilipinas ngayon.
Katuwang ng gobyerno ang UN-attached agency sa pagsusulong na mabakunahan kontra polio ang mga menor de edad at sanggol, lalo na sa gitna ng pandemya, kung saan limitado ang access ng publiko sa health services.
Bukod sa gobyerno, kasama rin ng UNICEF ang ilang organisasyon para mapaintindi sa publiko ang kahalagahan ng pagtanggap ng bakuna.
Isa ang 40-anyos at polio survivor na si Rodel Battaler sa mga “social mobiliser” ng Relief International, na isa sa mga partner ng UNICEF.
Trabaho ni Rodel na hikayatin ang mga magulang mula sa komunidad, lalo ang mga nakatira sa liblib na lugar, na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra polio.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at datos tungkol sa sitwasyon.
Hindi alintana ni Rodel ang hamon ng paglalakad sa iba’t-ibang kalsada habang nakasaklay para lang maipaliwanag sa mga magulang ang importansya ng pagtanggap ng bakuna ng kanilang mga anak.
“No child should ever have to suffer from polio. And no parent should ever bear the life-long burden of guilt when seeing their child suffer from an otherwise preventable disease. With every polio vaccine given to a child, I feel fulfilled because I am doing my mission in life,” ani Rodel.
Ang mga social mobiliser na katulad ni Rodel ang kasama ng barangay health workers, local officials, at community leaders sa pagkumbinse sa mga residente na mabakunahan ang kanilang mga anak.
Karamihan daw sa mga tumangging magulang at guardian ay dahil sa takot sa side effect ng bakuna.
May ilan umanong nangangamba tungkol sa overdose, sa mismong injection, at mahawaan ng COVID-19 dahil sa exposure sa frontliners.
Ayon sa UNICEF, aabot sa 1,935 social mobilisers ang kanilang nakasama sa mga nakaraang mass immunization campaigns kontra measles-rubella at polio.
Sa tala ng Department of Health ng Pilipinas, tinatayang 1.3-milyong kabataan, na may edad 5-anyos pababa, ang nabakunahan kontra polio mula 2019 hanggang kalagitnaan ng 2020.
Nasa 6-milyon namang kabataan din ang nabigyan ng oral polio vaccines mula Oktubre ng 2020 hanggang Marso 2021.