ILOILO CITY – Kaagad inilagay sa lockdown ang Jordan Municipal Police Station matapos nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) ang isang police personnel.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Kenneth Bermejo, hepe ng nasabing police station, sinabi nito na 11 sa kanilang police personnel ang isinailalim na rin sa istriktong quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Natukoy kasi na close contact ng isa nilang kasamahang pulis na nagpositibo sa virus.
Nahawaan umano ang pulis ng kanyang asawa na una nang nagpositibo sa deadly virus.
Ayon kay Bermejo, sa ngayon ay minomonitor na ang kondisyon ng pulis at nakatakdang magsagawa ng total disinfection ang Jordan Municipal Police Station.
Limitado na rin ang mga transaksyon sa naturang istasyon ng pulis sa Guimaras.