-- Advertisements --
ABALOS

Permanente nang ipinasara ng Department of the Interior and Local Government ang isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) establishment sa Pampanga.

Kasunod ito ng serye ng mga operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group kung saan nasa 43 foreign nationals pa na umano’y biktima ng human trafficking ang kanilang nailigtas.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, permanente na nilang ipinasara ang Lucky 99 Outsourcing Inc. offices sa Fil-Am Friendship Hi-Way sa Angeles City, Pampanga at bilang bahagi aniya ng pagpapaigting pa sa kanilang kampanya laban dito ay tiniyak niya na magpapatuloy pa ang pulisya sa pag-aresto sa mga indbidwal na masasangkot sa kaparehong ilegal na gawain.

Bukod dito ay nagpasaklolo na rin aniya siya sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Securities and Exchange Commission (SEC) para sa pagsasagawa ng mas malalimang imbestigasyon ukol sa naturang usapin.

Habang humingi naman aniya siya ng tulong sa Bureau of Immigration upang siyasatin naman ang mga visa ng mga nailigtas na foreign nationals upang maiwasang mabiktimang muli ang mga ito.

Samantala, sa kabilang banda naman ay hinikayat din ni Abalos ang publiko na agad na iulat sa mga kinauukulan ang mga ganitong klaseng ilegal na aktibidad sa kani-kanilang mga lugar.

Matatandaan na una nang sinabi ng kalihim sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines na tiwala ito na agad nilang malulutas ang naturang problema basta’t sama-sama at tulung-tulong ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.