-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa mga national athletes matapos ilahad ni Alas Pilipinas Men’s Volleyball tam captain Bryan Bagunas ang mga paghihirap na kanilang naranasan, kabilang ang pagsagot sa sariling gastusin.

“Hindi sila makapunta. ‘Yun nga, ‘yung iba wala kasi silang pamasahe, wala kaming allowance from July. So ayun, naiintindihan ko naman kasi most of the players are student-athletes. So ayun, nagtulungan lang kami para mag-ensayo ng kumpleto,” saad ni Bagunas.

Sa isang opisyal na pahayag, kinilala ng PNVF ang mga sakripisyo ng mga atleta at sinabing walang national athlete ang dapat mapilitang mangutang o gumastos mula sa sariling bulsa para sa kanilang tungkulin sa bansa.

Ayon sa PNVF, minana ng bagong pamunuan ni President Frank Lao ang federation na may malaking financial liabilities at mga hindi pa nababayarang obligasyon. Isinasagawa na umano ang komprehensibong pagsusuri at reconciliation ng mga financial records upang matukoy ang kalagayan ng pondo ng organisasyon.

Sinabi rin ng PNVF na personal na nag-abono si Lao para matugunan ang ilang agarang pangangailangan ng Men’s National Team bago ang Asian Games, kabilang ang allowances, ticketing at visa requirements.

Gayunman, aminado ang federation na hindi sapat ang mga hakbang na ito at nangakong palalakasin ang financial accountability at suporta para sa mga national athletes.

Samantala, sinabi ng Philippine Sports Commission (PSC) na patuloy nitong susuportahan ang Alas Pilipinas at makikipagtulungan sa bagong pamunuan ng PNVF upang matugunan ang mga pangangailangan ng national team.