-- Advertisements --

Iginagalang ng Philippine National Police o PNP ang karapatan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin, salig sa itinatadhana ng Saligang batas.

Ito’y kasunod ng mga banta ng iba’t ibang grupo na magkilos protesta para tutulan ang isang partikular na kandidato na lumalamang ngayon sa bilangan.

Ayon kay PNP Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for National and Local Elections, P/MGen. Valeriano de Leon, hindi naman nila pipigilan ang anumang uri ng pagkilos lalo na kung ito’y paghahayag ng saloobin bilang bahagi ng demokrasya.

Gayunman, umaapela si de Leon sa mga nagnanais na magkasa ng mga pagkilos na maging mahinahon at tiyaking hindi ito makaaabala sa mas nakararami lalo pa’t balik normal na muli ang sitwasyon matapos ang Hatol ng Bayan.

Una rito, ibinabala ni PNP Officer-In-Charge, P/LtG. Vicente Danao Jr na sakaling may mga magmatigas pa rin at magpumilit na balewalain ang batas ay gagamitin ang kanilang buong puwersa para papanagutin ang mga nasa likod nito.