DAVAO CITY – Bumuo na ngayon ng tracker team ang Police Regional Office (PRO-11) na siyang magsasagawa ng manhunt operation laban sa mga bilanggo na nakalabas dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) lalo na at matatapos na ngayong Huwebes ang 15 araw na palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ito.
Kung maalala una nang inihayag ni Pangulong Duterte na kung hindi susuko ang mga kriminal sa nasabing araw, ikokonsidera ang mga ito na mga pugante.
Agad umano na magsasagawa ng manhunt operation ang PRO-11 kung matatapos na ang palugit ng Pangulo.
Una ng napag-alaman kay Brig. Gen. Marcelo Morales, PRO-11 regional director na nasa pito pa lamang mula sa 76 na mga nakalabas na bilanggo dahil sa GCTA ang sumuko sa kanilang.
Sa nasabing bilang, lima sa mga ito ang sumuko sa Davao City Police Office (DCPO); isa sa Davao del Sur at isa sa Davao Occidental.