Pinakilos na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng police commanders nito sa northern at central Luzon para tumulong sa mga local government units na apektado matapos ang pagtama ng malakas na lindol ngayong araw.
Ayon kay Police Maj. Gen. Valeriano De Leon, PNP director for Operations, naatasan din ang mga Regional Directors sa Luzon na imobilize ang standby forces sa pagsasagawa ng search, rescue at relief operations partikular na sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Nakikipag-ugnayan na rin ang hanay ng PNP sa NDRRMC para matukoy kung ilang mga personnel at anong specific assets at saang mga lugar kailangan ng manpower para sa rescue, relief at disaster operations.
Nag-isyu na rin ng direktiba ani De leon para sa inspeksyon sa kalagayan ng kanilang mga personnel at kanilang pamilya na naapektuhan ng lindol.