-- Advertisements --

Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa posibilidad ng pagtataas ng Covid Alert Level sa iba pang panig ng bansa.

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos kasabay ng pagsabi na ang pagtataas ng Alert Level 3 sa NCR epektibo ngayong araw hanggang Enero 15, ay makakatulong sa PNP sa pag-control ng pagkilos at pagtitipon ng mga tao.

Sa mas mataas na alert Level, mas maghihipit aniya ang PNP sa pagpapatupad ng mga Health protocols.

Ayon sa PNP Chief, napatunayan na epektibo ang mga granular lockdown sa pagpigil ng pagkalat ng virus.

Gayunpaman, nilinaw ni Gen. Carlos na ang pagtatayo ng mga border checkpoints ay nasa diskresyon ng mga LGU.

Binigyang diin ng PNP Chief, sa gitna ng panibagong pagtaas ng kaso ng Covid 19, partikular ang iniulat na 14 na kaso ng Omicron Variant sa bansa, mahalagang hindi magpaka-kampante ang publiko at striktong obserbahan ang pagsusuot ng facemask at physical distancing.