-- Advertisements --

Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na ginagawang drop-off point lamang umano ang Pilipinas ng mga sindikato kasunod ng pagkakarekober ng mga bloke-blokeng cocaine sa karagatan.

Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Philippine Coast Guard (PCG).

Dagdag pa ni Banac maaaring hindi para sa bansa ang mga cocaine.

Ang PNP Maritime Group ang siyang nag-iimbestiga sa ngayon para matukoy ang pinanggalingan ng mga narekober na mga cocaine at sino ang nag-drop nito sa bansa at kanino dapat ito ide-deliver.

Sa ngayon, blanko pa rin ang PNP kung sino ang nasa likod ng mga nakukuhang cocaine blocks.

Nanawagan naman ang PNP sa mga mangigisda na makakarekober ng mga bloke sa karagata at huwag paaareglo sa sinumang lalapit sa kanila.

Giit ni Banac ang mga ganitong kaso ay labag sa batas at huwag hayaan mamamayagpag ang mga sindikato.

“Huwag na natin pasukin itong mga ganitong gawain at doon naman tayo sa supply reduction, talagang tuloy tuloy ang gagawin natin na panghuhuli sa mga sindikato at monitoring ng mga shorelines,” wika ni Banac.