-- Advertisements --

mandaluyong

Galit na inihayag ni PNP OIC chief PLt Gen. Vic Danao na posibleng adik at gumagamit ng iligal na droga ang SUV driver na sumagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City dahilan para ayaw nito mag-surrender sa mga awtoridad.

Nagbabala si Danao sa SUV owner na patunayan na hindi siya gumagamit ng iligal na droga.

Giit ni Danao na walang tao na nasa matinong katinuan ang sasagasa sa taong nakita niyang nabangga na.

Babala ni Danao sa suspek, maghintay ng kanyang warrant of arrest dahil ipatutupad ng PNP ang batas.

Sa ngayon, hinihintay na lang ng pambansang pulisya ang paglabas ng warrant of arrest ng korte laban sa suspek na kinilalang si Jose Antonio San Vicente na nakasagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City.

Nabatid na nasampahan na ng kasong frustrated murder si San Vicente at Abandonment of One’s Own Victim.

Ipinatawag na rin ito sa Land Transportation Office (LTO) pero dalawang beses na itong hindi sumipot.

Inihayag ni Danao na may kinakaharap na ring kaso na reckless imprudence ang suspek na si Mr. San Vicente batay sa record ng LTO.

Kaya dapat lang na irevoke na ang lisensiya nito.

Sa ngayon wala pang impormasyon ang pulisya sa kinaroroonan ng may-ari ng SUV maliban sa tirahan nito sa Ayala Heights Subdivision sa Quezon City.

Samantala, nakalabas na ng ospital noong June 9 ang biktimang security guard na kinilalang si Christian Floralde.