-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) na walang nagaganap na special treatment sa may-ari ng sport utility vehicle (SUV) na naka-hit-and-run sa isang security guard sa Mandaluyong City.

Ito ay kasunod ng samu’t-saring reaksyon ng publiko hinggil sa umano’y pahirapang paghuli dito, hindi tulad ng mga ordinaryong driver na agad na inaaresto sa oras na masangkot sa ibang vehicular accident.

Sa isang pahayag ay iginiit ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na agad na umaksyon ang pulisya sa insidenteng ito.

Paliwanag niya, hindi na iimbitahan pa sa questioning ang rehistradong may-ari ng SUV na kinilala sa pangalang Jose Antonio San Vicente Sr.

Ito aniya ay dahil mayroon nang patung-patong na kaso ang nakahain laban sa kanya sa Mandaluyong prosecutor’s office kabilang na ang frustrated murder at abandonment of one’s own victim na malinaw na paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code.

Ayon kay Fajardo, nakatakdang ipatawag ng prosecutor’s office si San Vicente kung saan maaari niyang sagutin ang mga kaso laban sa kaniya sa pamamagitan ng counter-affidavit.

Samantala, sinabi naman ng opisyal na sinampahan na rin nila ng obstruction of justice ang tatlong security guard ng Ayala Heights Subdivision matapos na hadlangan at pagbawalan ng mga ito ang pagpasok ng pulisya dito para puntahan ang mismong tirahan ng naturang suspek.