-- Advertisements --

Naka-full alert ang Philippine National Police kasunod ng napaulat na umano’y emergency rally ng religious organization sa EDSA nitong umaga ng Martes, Hunyo 30.

Sa isang pahayag, sinabi ng pambansang pulisya na masusing minomonitor ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang sitwasyon mula sa PNP Command Center.

Nananatili namang nasa ground ang mga police yunit at patuloy na nakikipag-ugnayan sa concerned units para matiyak ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Patuloy ding nakatutok ang PNP chief sa police operations para masiguro ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at mapanatiling matiwasay ang sitwasyon kasabay ng paggalang sa mga karapatan ng mga nagpoprotesta sa lugar.

Base sa crowd estimate sa People Power Monument sa EDSA-White Plains nitong umaga ng Martes, umaabot sa 7,000 ang nagtipun-tipon sa lugar.

Ayon kay NCRPO Regional Director Maj. Gen Anthony Aberin, wala pang ipinapakitang permit ang grupo na nagootorisa sa kanila na isagawa ang naturang patitipon, na nakaapekto sa mga motorista sa kalagitnaan ng morning rush hour.

Nauna naman nang kinumpirma ng Iglesia ni Cristo sa isang statement, na kanilang tinututulan ang nalalapit na pagsasampa ng plunder case laban kay Senador Rodante Marcoleta.

Iginiit din ng INC na hindi sila titigil na ipanawagan ang katarungan kahit pa ipakulong ang senador.