Kinumpirma ng pambansang pulisya na ongoing ang ginagawa nilang case build-up laban sa mga grupo o organisasyon na nagbibigay ng financial support sa CPP-NPA na tinawag na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang terror organization batay sa inilabas nitong proclamation.
Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, kanila ng mino-monitor ang mga grupo o organisasyon na nagbibigay financial support sa mga rebelde.
Pagtitiyak pa ni Carlos, ang kanilang magiging aksiyon dito ay nakabase sa isinagawang solid validation.
Ikinalulungkot din ng PNP na maraming mga indibidwal at mga estudyante na nalilinlang ng CPP-NPA.
Dahil dito, palalakasin din ng PNP ang kanilang engagement sa kumunidad para hindi malinlang ang mga ito ng CPP NPA.
Samantala, palalakasin din ng PNP ang kanilang combat operations at susuportahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa counter-insurgency campaign.
Sinabi ni Carlos na ang dedicated forces nila para labanan ang CPP-NPA ay ang mga miyembro ng police security forces, gaya ng Regional Public Safety Battalion at mga provincial safety companies.
Ang nasabing mga pwersa ang siyang magiging katuwang ng mga sundalo sa pagsasagawa ng operasyon.
Tiniyak din ni Carlos na nakahanda ang mga miyembro ng police security forces sa anumang mga posibleng pag atake na ilulunsad ng CPP NPA.
Lalo na sa pagbibigay ng seguridad sa mga government at police facilities na siyang posibleng target.
Pinasisiguro rin ng PNP leadership na sapat ang pwersa sa mga police stations kasama rito ang kanilang mga armas ng sa gayon nakahanda ang mga ito para lumaban.