Nagsimula na ring maghanda ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang sariling vaccination plan para sa panahon na maging available na ang bakuna laban sa Coronavirus Disease (COVID).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kasalukuyan nilang binabalangkas ang plano kung saan mayroon ding priority list ng mga PNP unit na unang mababakunahan.
Hindi naman nabanggit ni Eleazar kung magiging mandatory o voluntary ang pagpapabakuna ng mga pulis.
Una nang binigyang-diin uli ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang PNP, Armed Forces of the Philippines, at ang mga mahihirap na mamamayan ng bansa, ang prayoridad na mabigyan ng bakuna sa vaccination program ng gobyerno.
Pero sa listahan ng Department of Health (DOH), panglima sa priority list ang AFP at PNP.
Sa kabilang dako, ayon naman kay M/Gen. Angelito Casimiro, ang Director for Logistics, may plano na rin silang inihahanda para sa rollout ng COVID vaccine sa sandaling mabigyan na ang PNP.
















