Muling nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na isang krimen ang pagpapakalat ng fake news.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kaliwa’t kanang pagsulpot ng video sa social media na lumabas na recycled at fake news batay sa naging imbestigasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group.
Sa isang pahayag ay muling binigyang-diin ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Roderick Augustus Alba na nakasaad sa Article 154 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 10951 na itinuturing na krimen ang pagpapakalat ng fake news na makakasama sa public order o makakasira sa interes ng ating bansa.
Kaugnay nito ay nagbabala siya na mahaharap sa isa hanggang anim na buwang pagkakakulong, at pagbabayarin ng Php40,000 hanggang Php200,000 na halaga ng multa.
Matatandaan na una nang ipinahayag ng PNP-ACG na palalakasin pa nila ang kanilang cyberpatrolling at pag validate sa lahat ng mga video at reports na kanilang matutuklasan upang agad nila itong maaksyunan.