Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may friendly fire na nangyari sa isang anti-kidnapping operations ng pulisya sa Angeles City, Pampanga na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat naman ng isa pa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, batay sa inisyal na imbestigasyon, habang nagsasagawa ng clearing ops sa isang apartment na pinagdalhan sa dalawang Chinese national, sa isang madilim na parte ng bahay, aksidenteng nakalabit ng isang patrol man na miyembro ng entering team ang gatilyo ng kaniyang baril, dahilan kung bakit natamaan nito ang dalawa nilang kasamahang pulis.
Una umanong natamaan ng bala si PCMSgt. Eden Accad na siyang nangunguna sa operasyon, pero sa ginamit na 5.56 armalite, tumagos ang bala sa likod ni Accad hanggang sa tumama kay PSSgt. Nelson Santiago. Walang bullet vest ang dalawa kaya fatal ang mga tama nito.
Lumalabas sa autopsy report na na namatay si Santiago dahil sa pagtama ng bala sa kaliwang parte ng kaniyang dibdib na nakaapekto sa right lobe ng lungs nito at malalaking ugat sa puso. Habang si Accad naman ay kasalukuyan pa ring naka-confine sa ospital dahil sa tinamo nito.
Binigyang diin ni Fajardo na walang cover-up na nangyari sa imbestigasyon dahil noong araw na nangyari ang insidente ay agad umanong dinala ng pulis na mismong nakabaril, si Accad at Santiago sa ospital.
Wala pang 24 oras, agad naman daw umamin ang suspek na siya ang aksidenteng nakapaputok ng baril.
Bagamat aksidente lang ito, sinampahan na siya ng kasong reckless imprudence resulting in homicide in serious physical injury at kasalukuyang nakakulong sa anti-kidnapping group.
Samantala, iniutos na umano ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil maliban sa nakabaril na police, ay iimbestigahan din ang mga team leader pati na rin ang uri ng baril at balang ginamit.