
Umakyat na sa 51 police personnel ang pumanaw dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) infection hanggang kahapon, April 17.
Ito ay batay sa datos na inilabas ng PNP (Philippine National Police) Health Service.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nakapagtala ng 125 na dagdag na kaso kung saan 118 ay mga bagong kaso habang pito ang reinfection.
Sa ngayon nasa 2,276 na ang naitalang COVID active cases sa buong hanay ng PNP.
Ayon kay Eleazar, sa nasabing bilang ay 87 rito ay kasalukuyang naka-confine sa ospital habang 2,189 ang nasa mga isolation facilities.
Nakapagtala naman ang PNP ng 169 recoveries.
Sa kabuuan, sumampa na sa 18,531 ang COVID cases sa PNP, habang nasa 16,204 ang total recoveries.
Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) pa rin ang may pinakamaraming kaso ng deadly virus na may 43, sumunod ang Region 4-A na may 13, at ikatlo ang Police Regional Office 1 na mayroong 11 kaso.
Sinabi ni Eleazar, dahil sa mataas pa rin ang kaso ng COVID sa PNP, pinalakas nila ang kanilang testing.
Sa ngayon, nasa 132, 814 o 98.6% police personnel na ang sumailalim na sa reverse transcription-polymerase chain reaction tests.










