Ngayong Valentine’s Day ay muling nagpaalala si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa lahat ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya na iwasang masangkot sa mga kasong may kaugnayan sa Violence against Women and Children.
Ito ay sa kabila ng ilang kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng pulisya.
Ayon kay Philippine National Police chief Azurin, hindi dapat nasasangkot ang mga pulis sa ganitong uri ng kaso dahil sila aniya ang dapat na nangunguna sa pagpapatupad nito sa ating bansa.
Kaugnay nito ay sinabi rin niya na mahigpit na tinututukan ng Internal Affairs Service at Women and Children Protection Center ng Pambansang Pulisya ang imbestigasyon sa mga reklamo laban sa mga police personnel na nangmamaltrato ng kanilang mga asawa, kabiyak, mga anak at gayundin ang mga pulis na bigong nakakapagbigay ng suportang pinansyal sa kanilang pamilya.
Dagdag paaalala pa ni Azurin, sa halip ay dapat aniyang mahalin ng totoo at maging tapat ang lahat ng police personnel ng Philippine National Police sa kanilang mga kabiyak at suportahan din aniya dapat ng mga ito ang kanilang mga anak at buong pamilya.
“Giving financial support to our family is our main responsibility. Concern din ‘yan ng ilang tao and any complaint na napapabayaan sila ng asawa nilang pulis ay inaaksiyunan namin kaagad. We ensure that whatever entitlement and support intended for dependents will be given,” ani PNP chief Azurin.