-- Advertisements --

Nagpatupad si Philippine National Police Chief PGEn. Rommel Francisco Marbil ng panibagong balasahan sa Ilang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya.

Ito ang kaniyang kauna-unahang pagkakataon na nagpatupad siya ng rigodon sa ilang opisyal na kaniyang nasasakupan bilang bagong hepe ng Philippine National Police.

Epektibo ngayong araw, Abril 26, 2024 ay itinalaga bilang bagong pinuno ng PNP Anti-Cybercrme Group si PBGen. Ronnie Francis Cariaga bilang kapalit ni PMGen. Sidney Hernia na itinalaga naman niya bilang Director ng Directorate for Personnel and Records Management.

Bilang kapalit naman ni Cariaga ay manunungkulan si PCol. Aden Lagradante bilang Officer-In-Charge ng PNP Command Center sa ilalim ng Directorate for Operations.

Habang si PBGen. Aligre Martinez naman ang maupo bilang bagong acting Regional director ng Police Regional Office 11 o Davao, bilang kapalit ni PBGen. Alden Delvo.

Kung maaalala, una nang sinabi ni PNP Chief Marbil sa kaniyang kauna-unahang dinaluhan na pulong balitaan na hindi siya Magpapatupad ng malawakang balasahan sa buong hanay ng kapulisan, maliban na lamang kung mayroon itong mabigat na dahilan.

Kaugnay nito ay patuloy naman ang kaniyang panawagan sa bawat miyembro ng kapulisan na maging tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin sa lahat ng oras para sa bansa at sa taumbayan