Nangako si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil na wala itong papalagpasin sa imbestigasyon at tiniyak na mananagot ang sinumang may kasalanan sa pagkamatay ng isang police at pagkasugat ng isa pa sa isang police operation sa Pampanga.
Ayon kay PNP Spokespeson Col. Jean Fajardo, mismong ang PNP Chief ang bumisita sa 2 Pulis na nag-alay ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang alagad ng batas.
Sinaluduhan at binigyang parangal ito ni Marbil, kasabay ng pangako sa pamilya ng nasawi at sa nasugatang pulis na bibigyan niya ito ng hustisya.
Ani Fajardo, kahit pa mapatanuyan na friendly fire ang nangyari ay mananagot pa rin ang may sala.
Sa ngayon, hindi na muna nagbigay pa ng anumang karagdagang detalye ang pulisya hinggil sa imbestigasyon bilang respeto umano sa naulilang pamilya.
Pero direktiba umano ni Marbil na pag-aralan ang baril na gamit sa police operation at pati ang klase ng bala na dito.
Matatandaan na, nasawi si PSSgt. Nelson Santiago habang sugatan naman si PCMSgt. Eden Accad sa ikinasang operasyon ng PNP Anti – Kidnapping Group sa Angeles City sa Pampanga nitong weekend.
Personal na binisita rin ni Marbil si Accad na nagpapagaling sa Angeles University Foundation Medical Center kung saan tiniyak nito na kanilang ibibigay ang lahat ng pangangailangan para sa kaniyang paggaling.
Kasabay nito, kapwa ginawaran ni Marbil ng Medalya ng Kadakilaan sina Santiago at Accad dahil sa kanilang hindi matatawarang gampanin.