Umapela si Philippine National Police Chief, PGen Benjamin Acorda Jr, sa mga miyembro ng PNP, lalo na ang mga nasa mabababang ranggo, na kuhanan ng video o ireport ang mga irregularities na ginagawa ng kanilang mga superior.
Ginawa ng heneral ang apela kasabay ng pagnanais nitong linisin ang hanay ng pulisya mula sa sinumang gumagawa ng iregularidad o mga aktibidad na hindi katanggap-tanggap sa PNP.
Maliban sa mga miyembro ng PNP, umapela rin ang opisyal sa publiko. Aniya, maging ang mga ito ay maaari ring kumuha ng video, o anumang magpapatunay na dokumento, ukol sa anumang hindi akmang ginagawa ng mga pulis.
Huwag aniyang matakot ang mga ito na magsumbong dahil i-vavalidate pa rin ito ng kanyang mismong opisina.
Maliban dito, tiniyak din ng PNP Chief na magiging confidential pa rin ang pagkakakilanlan ng sinumang magpapa-abot ng sumbong.
Babala ng bagong PNP Chief sa mga kabaro nito na agad siyang maglulunsad ng imbestigasyon para sa sinumang irereklamo.